SA dami ng masalimuot na pinagdaanan natin bilang bayan, dapat alam na natin kung kailan tayo dapat magpakita ng awa sa kapwa.
Apat na buwan na sa loob ng detention facility ng International Criminal Court si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang masaklap, mabilis ang pagnipis ng kanyang pangangatawan sa loob ng piitan sa bansang The Netherlands. Pag-amin ni Vice President Sara Duterte, “buto’t balat” na ang kanyang ama.
Ang totoo, higit na kilala ang mga Pinoy sa pagiging “Mabuting Samaritano.”
Pero sadya yatang nagbago na ang imahe ng mga Pinoy base sa kostumbreng ipinapakita ng mga nasa rurok ng kapangyarihan. Dangan naman kasi, parang kinikiliti pa ang mga lintek sa sitwasyon ng 80-anyos na dating pangulo — masabi pang sangkaterba na ang kanyang iniindang karamdaman.
Mabilis tayong maawa sa mga estrangherong nakapiit lalo pa’t matanda na kung hindi man may malubhang karamdaman. Bakit? Dahil hindi natin sila tinitingnan base sa kasong kinakaharap nila. Tinitingnan natin sila bilang taong tulad nating lahat – may emosyon, nalulungkot, naluluha kapag may iniindang sakit.
Isa pa, mananatiling inosente ang isang akusado hangga’t hindi napapatunayan ng husgado na siya’y nagkasala nang walang bahid alinlangan. Hindi kaya ng konsensya ng isang matinong tao na pagdusahin ang isang nilalang na kalaunan ay mapapatunayang inosente pala.
Kung naniniwala talaga tayong ang pundasyon ng tunay na hustisya ay pagkakapantay-pantay, ipakita dapat ng Pilipinas ang katulad na habag at basic act of dignity sa isang dating Pangulo.
May paraan naman para gumulong pa rin ang kaso nang hindi ipinagkikibit-balikat ang karapatan niya sa maayos na kalusugan. Kagaya na lang ng iminungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano na house arrest.
Sa kanyang inihaing resolusyon, hinihikayat ni Cayetano ang gobyerno ng Pilipinas na umapela sa ICC para ilipat ang dating Pangulo sa kustodiya ng Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands para isailalim sa house arrest, modified house arrest, o anumang arrangement na napagkasunduan.
Ginawa na ito ng ICC noong 2009 sa Congolese rebel na si Jean-Pierre Bemba Gombo. Ginawaran nila ito ng interim release dahil sa apat na rason, kabilang ang pagsunod sa prinsipyong inosente ang akusado hanggang hindi napapatunayan guilty at walang nakitang sapat na rason ang ICC para masabing tatakas ito kapag pansamantalang pinalabas.
Ang pundasyon ng tunay na hustisya ay pagkakapantay-pantay. Kung naawa ka sa mga pamilya ng mga namatay na drug addict dahil sa giyera kontra droga, dapat maawa ka rin sa mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa mga drug addict at sa mga taong ang hangarin lang ay wakasan ang paghahari ng isang bisyong walang dulot kundi krimen at pagkawasak ng mga pamilya.
Itigil na ang double standard at maging tunay tayong tagapagsulong ng karapatang pantao.
