KUNG pagbabatayan ang pahayag ni Senador Erwin Tulfo, tila wala nang katapusan ang agawan ng liderato sa senado.
Pag-amin ni Tulfo, hindi pa humuhupa ang usapin sa pagpapalit ng liderato lalo pa’t sobrang dikit lang ng bilang ng bagong Senate majority.
Batay sa bilang ni Senate President Alan Peter Cayetano, 12 mambabatas ang nasa hanay ng mayorya, laban sa 11 senate minority na kinabibilangan ni dating Senate President Vicente Sotto III.
“Ongoing po yan. Tuloy-tuloy po… look at the number —12-11. Parang matutukso ka eh. Twelve lang sila, Eleven kami. Isa lang po humakbang dyan, tapos ang boxing,” wika ni Tulfo.
Nang tanungin kung may majority senator na kinakausap para tumalon sa minorya, tikom ang bibig ng mambabatas.
Mayo 11 nang patalsikin si Sotto. Kasunod naman ang paghalal kay Cayetano bilang Senate President.
Sa kabuuan, meron na lang 12 miyembro ang mayorya matapos ‘maglaho’ si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na target ng arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Kabilang sa senate majority sina Senador Loren Legarda, Pia Cayetano, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, Joel Villanueva, at magkapatid na Camille at Mark Villar.
