KASABAY sa paggunita ng ika-9 na anibersaryo ng makasaysayang 2016 Arbitral Award hinggil sa South China Sea, nanawagan si reelected Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa sambayanang Pilipino na magkaisa sa pagtatanggol sa pambansang soberanya at manatiling tapat sa pagiging Pilipino sa salita, sa gawa, at sa tungkulin.
Para kay Romualdez, na tumayong House Speaker sa katatapos na 19th Congress, ang 2016 Arbitral ruling ay makasaysayang pagpapatibay sa lehitimong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa kinatawan ng Leyte sa Kamara, ang naturang tagumpay ay hindi lamang para sa sambayanang Pilipino, kundi para na rin sa prinsipyo ng paghahari ng batas sa pandaigdigang komunidad.
“The Arbitral Award reaffirms what we’ve always known in our hearts — the West Philippine Sea belongs to the Filipino people. Not because we are the strongest, but because it is rightfully ours under international law,” ayon pa kay Romualdez, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP) at kasalukuyang Pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa).
“This was a victory of principle over power, of law over intimidation. And it reminds us of what we can achieve when we stand as one people, bound by patriotism and a deep love for our country,” dugtong niya.
Matatandaan sa inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong Hulyo 12, 2016, tuluyang ibinasura ang ‘nine-dash line’ na iginigiit ng China at sa halip ay kinatigan ang karapatan ng Pilipinas sa WPS.
Ibinatay ang desisyon sa itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, na siyang itinuturing na mahalagang pamantayan ng pandaigdigang kaayusang nakabatay sa batas.
Giit ni Romualdez, ang Arbitral Award ay hindi lang isang kasunduan sa diplomasya kundi patunay ng katatagan ng loob ng mga Pilipino at ang karapatan ng bansa sa sariling karagatan.
“Nine years on, the ruling remains final and binding. It is now a cornerstone of our foreign policy, a source of strength for our people, and a moral compass for nations that seek justice through peaceful means,” sambit ng mambabatas.
Samantala, pinuri ni Romualdez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama na ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) sa matibay na paninindigan sa arbitral decision at sa masigasig na pagtataguyod ng mga alyansa sa mga bansang nagpapahalaga sa paggalang sa international law.
Hinimok din ni Romualdez ang lahat ng Pilipino — sa pamahalaan man o karaniwang mamamayan — na panatilihing buhay ang diwa ng Arbitral Award sa pamamagitan ng paninindigan sa prinsipyo at katapatan sa adhikain ng bansa.
“The West Philippine Sea is ours. And as long as we stand as one — brave, just, and proudly Filipino — we will always stand on the side of what is right. Let us live our nationhood — not just today, but every day — in word, in deed, and in duty.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
