WALANG silbi ang mga pumping stations kung wala naman dadaluyan ang tubig baha, ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Pag-amin ni Bonoan, hindi na kinaya ng drainage system sa Metro Manila ang pagbahang dulot ng mabigat na buhos ng ulan dahil barado na ang 70 porsyento ng mga estero, kanal at imburnal sa Metro Manila
Paglilinaw ng Kalihim, gumagana lahat ng pumping stations nang bumuhos ang malakas na ulan sa Metro Manila sa mga nakalipas na araw, pero bumaha pa rin dahil hindi makadaloy ang tubig na naipon mula sa walang humpay na pag-ulan.
“Gumagana po yung pumping stations. Ang problema lang po, hindi makadaloy yung tubig-baha papunta sa pumping stations because nga po yung mga drainage system, hindi adequate na para mag-convey ng floodwaters papunta sa pumping station,” wika ni Bonoan.
“Yung drainage system in Metro Manila is actually very old. Yung huling assessment ng drainage system in Metro Manila is actually 70 percent of it is actually silted na po,” dugtong ng DPWH chief.
Gayunpaman, pinawi ni Bonoan ang agam-agam ng publiko lalo pa aniya’t kasalukuyang binubuo ng departamento ang isang bagong drainage system master plan sa tulong ng World Bank (WB).
Sa ngayon aniya, patuloy ang rehabilitasyon sa mga pumping stations, pagtugon sa problema sa mga basurang bumabara sa flood water inlets, at pagpapatupad ng Pasig-Marikina floodway program.
Una nang inamin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes na kawalan ng disiplina ng publiko ang isa sa pangunahing dahilan sa mga pagbaha sa Metro Manila.
Katunayan aniya, mga sirang refrigerator at mga sirang sofa ang bumalandra sa mga pumping station sa kalakhang Maynila.
“May ref, may sofa at iba’t ibang materyales na naanod dala ng tubig baha,” ani Artes.
Panawagan ng MMDA chairman sa publiko, pairalin ang disiplina at sumunod sa mga polisiya para sa tamang pagtatapon ng basura upang hindi magdulot ng perwisyo sa tuwing may malakas na pag-ulan.
“Kami po ay nananawagan sa ating mga kababayan, sana ay magkaroon tayo ng disiplina regarding sa tamang pagtatapon ng basura,” ani Artes kasabay ng giit na ang paglutas sa pagbaha ay hindi lamang solong responsibilidad ng gobyerno.
Natukoy na rin aniya ng ahensya ang 49 na lugar sa Metro Manila na kapag bumabaha ay alam na kaagad na nababarahan ng basura. Hindi naman binanggit ng opisyal ang mga natukoy na lugar. (JIMMYLYN VELASCO)
