PATAY ang dalawang miyembro ng Philippine Navy matapos malunod sa karagatan ng Barangay Mindupok sa Maitum, Sarangani nitong Martes.
Ayon sa inisyal na impormasyon, nagsasagawa ng recreational site diving survey ang mga biktima sa bahagi ng karagatan may layong 1.2 nautical miles mula sa dalampasigan nang mangyari ang insidente.
Pansamantalang hindi muna pinangalanan ng Philippine Navy ang mga biktimang edad 48 at 50-anyos na kapwa natagpuang palutang-lutang sa karagatan isang oras matapos mawala.
Agad na isinugod sa pagamutan ang mga biktimang idineklarang dead on arrival.
Paniwala ng kanilang mga kasamahan, posibleng nahirapan huminga ang dalawang divers nang makarating sa malalim na bahagi ng dagat. (LILY REYES)
