TODAS ang 54-anyos na lalaki habang nasa kritikal na kondisyon naman ang isang purok leader matapos pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang salarin sa Quezon City.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), pawang lulan ng motorsiklo ang mga suspek.
Isa sa dalawang biktima — na kilala sa pangalang Limbaga ang binawian ng buhay sa East Avenue Medical Center, habang agaw-buhay naman sa ospital si alyas Bernaldez na napag-alamang purok leader ng Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa ng nasabing lungsod.
Batay sa inisyal na ulat ng CIDU-QCPD, dakong alas 6:30 ng gabi ng pa noong Agosto 2 nangyari ang insidente pero nito lamang Huwebes ng alas 10: 50 ng gabi iniulat ang nangyaring krimen.
Sa imbestigasyon ni P/SSg Raymark Paligutan, sa hindi malamang kadahilanan, biglang nilapitan ng apat na suspek na pawang nakasuot ng helmet at walang sabi-sabi’y binaril si Bernaldez sa ulo ng dalawang ulit.
Ilang saglit pa, dinako ng mga suspek ang kahabaan ng Kalye Mangga kung saan pinutukan naman si Limbaga. Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang mga suspek bitbit ang baril na ginamit sa krimen.
Narekober naman ng Scene of the Crime Operative (SOCO) sa pangunguna ni P/CMS Federico Manzano, ang limang basyo ng bala mula sa kalibre 45 baril at tatlong empty shell na mula sa 9mm automatic pistol.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon. (LILY REYES)
