“BAWAT piso may pinaglalaanan, bawat gastusin dapat may pakinabang sa tao,” giit ni House Speaker Martin Romualdez kasabay ng garantiya na ang bawat piso ng P6.793-trillion proposed national budget para sa 2026 ay may malinaw na pagkakagastusan at magdadala ng konkretong benepisyo sa sambayanang Pilipino.
Partikular na tinukoy ni Romualdez ang 2026 National Expenditure Program na isinumite sa Kamara ng Department of Budget and Management (DBM) kamailan.
Ang 2026 NEP, na katumbas ng 22 porsyento ng GDP ng bansa, ay 7.4 porsyentong mas mataas kaysa sa kasalukuyang P6.326-trilyong budget.
Tampok sa ilalim ng proposed 2026 national budget ang mas malaking pondo para sa edukasyon, kalusugan, social protection, at at seguridad sa pagkain upang mapanatili ang pag-usad ng ekonomiya.
Nakaangkla sa temang “Agenda for Prosperity: Nurturing Future-Ready Generations to Achieve the Full Potential of the Nation,” ang pondo para sa susunod na taon ay nakabatay sa Philippine Development Plan 2023–2028 at sa pangmatagalang bisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Today’s turnover of the 2026 NEP from the DBM is not just a formality. It is the first step in shaping how our government will serve the Filipino people in the year ahead,” pahayag ni Romualdez.
Binigyang-diin ng House leader na ang NEP ay “more than numbers on paper” at kumakatawan sa plano ng pamahalaan na gawing realidad ang bisyon ng Bagong Pilipinas.
“[The NEP] is the government’s plan to make the vision of a Bagong Pilipinas real—roads that connect communities, markets where food is affordable, schools that open doors to opportunity, hospitals that save lives, and safe, secure communities for every Filipino,” dugtong ng beteranongb mambabatas.
Dagdag pa niya: “A budget is not just a spending plan—it is a mirror of our priorities and a measure of our accountability to the people. And because this is the people’s money, the process of crafting it must be transparent, inclusive, and worthy of public trust.”
Ayon naman kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang 2026 NEP ay maingat na binuong plano para sa matipid subalit makabuluhang paggasta sa alokasyon habang nagbibigay ng makasaysayang pamumuhunan sa edukasyon, kalusugan, at food security.
Ipinahayag din niya ang isang makasaysayang tagumpay sa pondo ng edukasyon, dahil sa kauna-unahang pagkakataon, maabot ng budget para sa basic at higher education ang inirerekomendang spending target ng UNESCO na hindi bababa sa 4 porsyento ng GDP.
Sa halagang P1.224 trilyon, o 16.6 porsyento ng kabuuang budget, lampas din ito sa requirement ng UNESCO Education 2030 Framework na 15–20 porsyento ng kabuuang public expenditure at higit sa global average na 14.2 porsyento.
Tataas naman 23.6 porsyento ang pondo para sa healthcare, kabilang ang subsidiya para sa PhilHealth, pinalawak na medical aid para sa mga mahihirap, at mas mataas na budget para sa mga ospital ng Department of Health—tumaas ng 20.2 porsyento sa Metro Manila at 26.1 porsyento sa mga rehiyon.
Kasama rin sa NEP ang pondo para sa operasyon ng mga Bukas Centers upang dalhin ang abot-kaya at de-kalidad na serbisyong medikal sa mga komunidad.
Para matiyak ang suplay ng pagkain sa bansa, makakatanggap ng P239.2 bilyon ang Department of Agriculture at mga attached agencies nito, kabilang ang pondo ng para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund na mas mataas ng tatlong beses habang itinaas din sa 38 porsyento ang budget para sa National Rice Program.
Magtatatag din ang pamahalaan ng National Agricultural Food Hub at ipagpapatuloy ang Rice for All Program na pakikinabangan ng mahigit 15 milyong kabahayan.
Mananatili sa 5–6 porsyento ng GDP ang paggasta sa imprastruktura sa ilalim ng Build Better More Program, kasama ang P87.33 bilyon para sa digital transformation ng mga serbisyo ng gobyerno.
Kabilang sa iba pang pangunahing alokasyon ang: P55.2 bilyon para sa labor at employment programs; P299.3 bilyon para sa Department of National Defense; P287.5 bilyon para sa Department of the Interior and Local Government; at P67.9 bilyon para sa Judiciary. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
