LIMANG mahahalagang repormang nakatuon sa tinatawag na transparency sa proseso ng pag-apruba sa proposed 2026 national budget ang ikinasa ng Kamara, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Ginawa ni Romualdez ang anunsyo kasabay ng ceremonial turnover ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa National Expenditure Program (NEP).
Partikular na isinusulong ng administrasyong Marcos ang tumataginting na P6.793-trilyong national budget para sa susunod na taon.
Dumalo rin sa presentasyon ng NEP ang ilang pinuno ng Kamara at mga opisyal ng DBM.
Ayon kay Romualdez, layon ng mga kinasang reporma tiyakin ang ganap na transparency at ang paglahok ng publiko sa pamamagitan ng mga people’s organizations, lalo pa aniya’t pera ng mga mamamayan ang sentro ng pagpaplanuhan.
“A budget is not just a spending plan—it is a mirror of our priorities and a measure of our accountability to the people. And because this is the people’s money, the process of crafting it must be transparent, inclusive, and worthy of public trust,” wika ngr lider ng Kamara.
Dagdag ng mambabatas, ipatutupad simula ngayong taon ang limang mahahalagang reporma kabilang na ang pag-alis ng “small committee” na dati’y binubuo matapos maaprubahan ang budget upang magtipon ng institutional amendments.
“Bukas ang talakayan. Lahat ng amendments, alam ng mamamayan,” diin ng lider-kongresista.
Ikalawa ay ang pagbubukas sa publiko at media ng House-Senate conference para pagtugmain ang kani-kanilang bersyon ng budget.
“Kung pera ng taumbayan ang pinag-uusapan, dapat taumbayan din ang nakakaalam,” giit ni Romualdez.
“Third, we will invite civil society, people’s organizations, and the private sector to join budget hearings. Ang pambansang budget ay hindi pag-aari ng mga politiko; ito ay pera ng bawat Pilipinong nagbabayad ng buwis,” dugtong niya.
Ikaapat, pagpapalakas sa oversight function ng Kamara sa pagpapatupad ng budget, kabilang ang agarang ulat mula sa mga ahensya at real-time tracking ng malalaking proyekto.
“Bawat pisong ginastos, dapat may katumbas na serbisyong nararamdaman,” wika niya.
“And fifth, we will prioritize investments that truly change lives: agriculture for food security, infrastructure for connectivity and jobs, education for opportunity, health for all, and defense and disaster preparedness for national safety,” paglalahad pa niya.
Paglilinaw ni Romualdez, hindi hangad ng mga naturang reporma pabagalin ang proseso bagkus ay para gawing mas maayos, mas matatag, at mas mapagkakatiwalaan ang pagpasa sa proposed 2026 national budget.
“Kapag malinaw ang proseso, malinaw din ang tiwala. In the coming weeks, we will review every page of this NEP guided by one question: ‘Makakabuti ba ito sa ating mga kababayan?’ If yes, we will support it. If not, we will work to make it better. A budget the people can trust is a government the people can believe in.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
