HINDI lahat ng may pera pwede magpautang, ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC) kasabay ng pag lalabas ng cease and desist order laban sa pitong online lending companies.
Ang dahilan — walang pahintulot mula sa naturang tanggapan ng gobyerno.
Kabilang sa mga pinatigil ang operasyon ang Cash Konek, Pesosuki, Yescom Lending-Quick Cash Loan, Peso 101-Fast Loans PH, Peso Cow-Mabilis Pera Loan, Swiftloan: Loan App Philippines, at Pera Loan: Fast Cash PH.
Paglilinaw ng SEC, bawal na sa mga naturang kumpanya ang lahat ng uri ng pagpapautang, promosyon, at pakikipag transaksyon bunsod ng paglabag sa SEC Memorandum Circular No. 19, Series of 2019.
Sa ilalim ng naturang circular, kailangan muna irehistro ng lahat ng financing at lending company sa SEC ang online platform bago pa man simulan ang business operation.
Bukod anila sa mga hindi rehistradong online lending companies, bantay-sarado rin sa ahensya ang mga kumpanyang sukdulan ang pagsasamantala — tulad ng mataas na interes, pagnanakaw ng “personal information” at pamamahiya sa mga indibidwal na pumalya sa hulog.
