DEAD on arrival sa pagamutan ang isang 30-anyos na rider matapos mag counterflow at barilin ng nakasalubong na lalaki sa barilin ng nakaalitang lalaki sa kahabaan ng Quirino Highway sa Quezon City.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dalawang tama sa dibdib ang tinamo ng biktima matapos ang mainit na pagtatalo sa umano’y pag counterflow ng biktimang kinilala lang sa pangalang Emerson, isang messenger at residente ng Navotas City.
Batay sa inisyal na impormasyon, dakong alas 8:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa harapan ng isang botika panulukan ng Salazar Drive at Quirino Avenue sa Barangay Balon Bato ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon nina P/SSG Raymark Paligutan at P/SSg Erwin Jay Mendez, nasa barangay outpost ang mga tanod na sina Virginia Requestas at Arnel Carullo nang makarinig ng dalawang putok ng baril.
Agad na tinungo ng mga tanod ang pinanggalingan ng putok kung saan tumambad ang nakahandusay na biktima. Agad na isinugod sa Quezon City General Hospital angrider na idineklarang dead on arrival.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad sa CCTV footage, nakunan ang biktima habang sakay ng kanyang motorsiklo, at nag-counterflow sa kahabaan ng Quirino Highway.
Nang makasalubong niya ang dalawang suspek na sakay din ng motorsiklo, nagkaroon ng mainitang pagtatalong nauwi sa pamamaril. Tinangka pa tumakbo ng biktima patungo sa Salazar Drive, kung saan siya tuluyang bumagsak.
Narekober sa crime scene ng SOCO team mula sa QCPDFU, sa pangunguna ni P/CMS Federico Manzano, an isang basyo ng bala ng kalibre 45. (LILY REYES)
