HINDI na nagawa pang pumalag ng mag-asawang target matapos tumambad sa pagpasok ng mga operatiba ang santambak na pekeng ID at iba pang dokumento sa Valenzuela City.
Sa ulat ng Northern District ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Team, arestado ang mga suspek na kinilala lang sa alyas na Chippie at Kaye, na umano’y nasa likod ng bentahan ng iba’t-ibang uri ng “government-issued ID.”
Ayon kay PNP-ACG Director Police Brigadier General Bernard Yang, siinalakay ng mga operatiba ang bahay ng mag-asawang suspek sa bisa ng isang search warrant na inilabas ng husgado.
Kabilang sa mga kinumpiska ng pulisya ang nasa mahigit 200 identifiation cards tulad ng Tax Identification Number (TIN) ng Bureau of Internal Revenue, membership card ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Pag-IBIG at National ID.
Kabilang rin sa nasamsam sa operasyon ang santambak na PhilPost ID, driver’s license, PRC IDs at iba pang pekeng dokumento.
Sa imbestigasyon lumalabas na binebenta ang mga pekeng ID sa halagang P1,000 pataas, depende sa klase at lugar kung saan karaniwang dinadala sa mismong bahay ng kliyente.
Depensa naman ng mga suspek, paglilimbag lamang umano ang kanilang hanapbuhay — at hindi ang pamemeke.
Nahaharap ang mag-asawa sa patong-patong na kaso kabilang ang Falsification by Private Individual and Use of Falsified Documents. (EDWIN MORENO)
