HINDI angkop isugal ang kaligtasan ng mga manggagawa para lang tiyakin ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga pribadong kumpanya.
Sa isang reklamong idinulog sa Department of Labor and Employment (DOLE), partikular na tinukoy ang mga Business Process Outsourcing (BPO) companies sa Cebu bunsod ng paglabag umano sa Occupational Safety and Health Standards.
Nakasaad sa reklamo ang umano’y sapilitang pagtatrabaho ng mga BPO employees ilang saglit matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang nasabing lalawigan.
Ayon sa BPO Industry Employees Network (BIEN-Cebu), nakatanggap sila ng daan-daang ulat mula sa mga manggagawang pinwersa umanong bumalik sa opisina kahit may banta pa ng aftershocks.
Ang mga call center agents na hindi tumalima, pinatawan ng parusa tulad ng notice-to-explain, pagkawala ng insentibo at iba pang administrative sanctions matapos nilang unahin ang kanilang kaligtasan at ng kanilang pamilya.
Tinuligsa rin ng grupo ang tinatawag nilang “business-as-usual” approach ng BPO companies.
