SA gitna ng kabi-kabilang imbestigasyon sa flood control scandal, isang tawag ang natanggap ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay ng naglalagablab na gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon City.
Batay sa inisyal na ulat ng BFP-National Capital Region, partikular na tinukoy ang tanggapan ng DPWH sa Barangay Pinyahan sa nasabing lungsod.
Nangyari ang insidente sa Bureau of Research and Standards building na matatagpuan sa NIA Road, hindi kalayuan sa EDSA. Mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa ikatlong alarma ng 12:56 ng tanghali.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring alamin ang sanhi ng sunog sa tanggapan ng kontrobersyal na departamento. Kabilang sa mga iniimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga proyekto ng DPWH sa Quezon City. (LILY REYES)
