PARA kay former Ilocos Sur Governor Chavit Singson, wala nang dahilan pang manatili sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang Facebook post, pinaratangan din ni Singson ang Pangulo na umano’y may pakana ng “biggest corruption scheme” sa kasaysayan ng Pilipinas.
Partikular na tinukoy ng dating gobernador ang daan-bilyong pisong flood control scandal na kinasasangkutan ng mga kilalang kaalyado ng administrasyon at maging ng pinsan ni Marcos.
Tinawag din ni Singson si Marcos na “mahinang leader” dahil sa aniya’y kabiguang akuin ang responsibilidad sa maling paggamit ng pondo sa flood control projects ng pamahalaan.
Imposible rin aniyang walang alam ang Pangulo tungkol sa mga sinasabing anomalya dahil kontrolado ng punong ehekutibo ang buong proseso ng badyet, mula sa paghahanda ng National Expenditure Program hanggang sa pag-apruba ng General Appropriations Act.
“If the President cannot face the truth and take responsibility for his failures, he must step aside for the sake of the nation,” wika ni Singson.
“A voluntary resignation would not be a humiliation. It would be an act of dignity — a rare moment of courage that could still restore trust in our institution,” aniya pa.
