ASAHAN ang nalalapit pagbabalik sa bansa ni former Presidential Spokesperson Harry Roque, matapos katigan ng korte ang petisyon para sa pagpapawalang-bisa sa pasaporte ng dating Palace official, ayon sa Department of Justice.
Ayon sa Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, pasok na sa kategorya bilang pugante si Roque bunsod ng kasong human trafficking case na inihain ng Presidential Anti-Organized Crime Commision (PAOCC) kaugnay ng sinalakay na Lucky South 99 sa Pampanga.
Kaakibat ng kanselasyon ng pasaporte ang limitadong pagbiyahe ni Roque sa bansang tinutuluyan.
Inaasahan naman ng DOJ ang pag-arangkada ng deportation proceedings nayong wala nang valid passport ang dating Palace spokesperson.
Sa kaso naman ni Roque, kumbinsido si Martinez na dahil nasa ibang bansa pa, walang prosesong pwede gamitin ang Pilipinas para pilitin ang kanyang agarang pagbalik.
Gayunpaman, umaasa ang pamahalaan na ttutugon ang Netherlands sa hiling ng Pilipinas.
Samantala, sa kanyang Facebook live kamakailan, sinabi ng dating presidential spokesperson na inaasahan na niya ang aniya’y panggigipit pero naniniwala siyang tutukuran ng Netherlands ang hirit na asylum.
Bukod kay Roque, kanselado na rin umano ang mga passport nina Cassandra Ong, Ronelyn Baterna, at Dennis Cunanan.
Una nang ibinahagi ni PAOCC Spokesperson Winston Casio ang resolusyon na inilabas ng Pasig Regional Trial Court Branch 157 kaugnay ng inihaing Motion for Cancellation of Passport para sa apat na indibidwal na pinaniniwalaang sangkot sa iba’t ibang anyo ng karumal-dumal na krimen sa likod ng illegal POGO.
Kabilang sa mga asuntong kinakaharap ni Roque, Ong, Baterna at Cunanan kasong qualified human trafficking kaugnay ng sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Umaasa naman si Casio na mapapabilis ng pagdakip kay Roque matapos maglabas ng red notice ang Interpol para kay Roque para sa hiwalay na kasong inciting to sedition. (JULIET Q. PACOT)
