DEAD-on- the-spot ang isang binatilyong estudyante matapos maipit at magulungan ng trailer truck sa panulukan ng Mel Lopez Boulevard at Española St., Tondo, Manila nitong Martes ng hapon, Nov. 25.
Kinilala ang 13-anyos na biktima sa pangalang “Amado” na residente ng Area GK Compound, Tondo, Manila.
Sa impormasyong ibinahagi ng Manila Police District (MPD) Police, nasa kustodiya na ng MPD Manila Traffic Enforcement Group ang driver ng truck na si alyas “Operio,” nasa hustong gulang, at nakatira sa Dampalit, Malabon City.
Ayon kay Police Capt. Dennis Turla na tumatayong hepe ng Investigation Section ng MTEG bandang 2:30 ng hapon nang mangyari ang aksidente sa nasabing lugar.
Base sa kuha ng CCTV footage ng Brgy. 106, nakita pang tumatawid ang biktima mula sa kabilang kalsada habang ang (tractor head na may trailer) ay nakahinto sa kahabaan ng northbound lane ng Mel Lopez Boulevard, corner Española Street, dahil sa nagkaroon ng engine malfunction kung kaya’t bumaba ang pahinante ng nasabing truck upang maglagay ng tubig sa radiator.
Pagkatapos, bumalik na sa sasakyan ang pahinante at umandar pasulong ang truck, dito na natamaan at nabangga ang biktima sa huling bahagi ng gulong ng truck na tumatawid noon sa daanan mula North bound lane hanggang ang biktima ay nasagasaan ng trailer at naipit sa ilalim na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay. (JULIET Q. PACOT)
