HINDI nakalusot sa mga alistong kawani ng Bureau of Immigration ang isang babaeng tubong-Sulu na gumamit ng shared identity o hiram na pagkakakilanlan sa pagnanais makalabas ng bansa.
Sa impormasyong ibinahagi ng BI, agad na pinigilan ang pagsakay sa eroplanong patungo sana sa Kota Kinabalu ng hindi pinangalanang indibidwal matapos maghinala ang ahensya sa pasaporteng may 2020 departure stamp.
Batay sa pagsusuri ng kawanihan, nakumpirma ang hinala ng mga operatiba — peke ang pasaporteng nakapangalan sa ibang tao.
Katwiran ng babae, ang biyahe patungo sa Malaysia ay para sa kanyang pagpapakasal.
Lumalabas din hindi tugma ang mukha niya sa biometric record sa database ng BI.
Gumamit anila ng “shared identity” ang babae na isang modus kung saan magkakamag-anak ang nagpapalitan o naghihiraman ng mga dokumento sa paniwalang makakalusot dahil sa pagkakahawig ng hitsura.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, marami pa ring iligalista ang gumagamit ng naturang modus, kasabay ng babala na ang identity sharing ay itinuturing na identity theft na may karampatang parusa, alinsunod sa batas. (JULIET PACOT)
