HINDI na dapat maulit pa ang marahas at magulong kilos protesta sa loob ng lungsod ng Maynila, ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, kasabay ng direktiba sa mga kawani ng pamahalaang lungsod na tiyakin ang kaayusan ng pagtitipon, gayundin ang kaligtasan ang mga sasama sa Anti-Corruption Rally sa Nobyembre 30.
Sa isang kalatas, tiniyak ni Moreno na igagalang ng lokal na pamahalaan ang karapatan ng bawat mamamayan magpahayag ng saloobin sa paraan ng kilos protesta.
Gayunpaman, nilinaw ng alkalde na hindi angkop na daanin sa gulo, karahasan o pagsira sa mga pasilidad ng gobyerno ang demonstrasyon.
Kabilang sa mga departamentong inatasan ni Moreno ang Manila Health Department, Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Police District, Department of Public Services, at Manila Department of Social Welfare.
Samantala hiniling ni Moreno sa mga pulis at kawani ng lungsod na igalang ang karapatan ng mga dadalo sa pagtitipon, kasabay ng paalala sa bawat departamento na pangalagaan ang mga pampublikong pasilidad sa buong Maynila.
Panawagan pa ng alkalde sa mga makikibahagi sa kilos-protesta, iwasan ang pag-spray paint sa pader, paninira ng kagamitan, at anumang uri ng kaguluhan. (JULIET PACOT)
