WALANG timbang ang pagbawi sa sinumpaang salaysay ng mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sinumpaang salaysay ng mga sangkot sa flood control scandal.
Ito ang iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson kaugnay ng umano’y pagbawi ng testimonya ni former Bulacan District Engineer Henry Alcantara.
Pagtitiyak ni Lacson na tumatayong chairman ng Senate blue ribbon committee, makukulong pa rin si Alcantara ng hindi hihigit sa 12 taon para sa kasong perjury.
Ganito ang pahayag ni Senate President Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee matapos magpahiwatig ng pagbawi ng testimonya, under oath, ang mga opisyal ng DPWH sa ginanap na imbestigasyon sa flood control scandal.
“Kung sila magre-recant, magiging liable sila sa violation ng batas sa perjury, Art 183 sa Revised Penal Code. Amended ito ng RA 11594, ito ang in-author ni SP Sotto, kami mga co-author din kami kung saan tinataas ang penalty ng perjury na kasama dito ang perjury kasi maski anong sworn statement na under oath at sinama dito sa legislative inquiry, tinaas ang penalty na prision mayor. Six years and 1 day to 12 years. At may multang isang milyon bukod pa sa perpetual absolute disqualification kung government official,” aniya sa panayam sa DZBB radio.
Para kay Lacson, hindi apektado ng anumang pagbawi ng testimonya ang imbestigasyon sa flood control scandal, lalo pa aniya’t naiprisinta na sa mga nakaraang pagdinig ng komite ang mga circumstantial at dokumentaryong ebidensya — kabilang ang mga dokumento sa budget na nag-uugnay sa ilang personalidad, pati na mga mambabatas, sa isyu.
“So hindi standalone ito. Parang hindi mamamatay o babagsak ang kaso on the basis of their recantation,” aniya.
Idinagdag ni Lacson na binigay na ng mga dating DPWH Bulacan engineers na sina Alcantara at Brice Hernandez ang pera at mga sasakyang isinuko nila sa pamahalaan—isang indikasyon umano ng pag-amin ng pagkakasala.
Sinabi rin niya na hindi niya isinasantabi ang posibilidad na may ilan sa mga nasasangkot ang nakipag-ugnayan na sa mga dating opisyal ng DPWH. “Hindi nakakapagtaka kung kinakausap sila through their lawyers ng lawyers naman ng sinasangkot nila,” aniya.
Samantala, nakatakda ang susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng binawing testimonya ni Alcantara sa Enero 19.
Kabilang sa mga inanyayahan dumalo sa pagdinig sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating Undersecretary Trygve Olaivar, at Maynard Ngu — gayundin si dating Rep. Elizaldy Co.
Babala ni Lacson, maglalabas ng warrant ang komite sakaling hindi pa rin sisipot ang mga nabanggit na indibidwal.
“Sina Olaivar ang inimbita namin na hindi dumating noon at sinubpoena namin, pag sinubpoena at di dumating, nasa Constitution din yan na pwede silang ma-issue-an ng arrest warrant,” aniya.
Kabilang rin sa nais halukayin ang komite sa Department of Budget and Management at sa Office of the Executive Secretary kung paano nailabas ang isang Special Allotment Release Order na nagbigay-daan sa pagpapalabas ng P50 bilyon mula sa unprogrammed appropriations ng budget noong Disyembre 27, 2024.
Dagdag pa niya, maaaring imbitahan ng komite si Rep. Leandro Leviste, sa pamamagitan ng liderato ng Kamara, kung pahihintulutan ng mababang kapulungan.
Ayon kay Lacson, may pagkakahawig ang mga dokumentong inilabas ni Leviste at ang mga hawak niya, bagama’t hindi pa umano niya nakikita ang tinutukoy ni Leviste na “SAP” at “OP.”
Nang tanungin kung sapat na batayan ang tinaguriang “Cabral files” upang magsampa ng kaso laban sa mga kasapi ng Gabinete, sinabi ni Lacson na kailangan munang ma-authenticate ang mga dokumento ng DPWH.
Samantala, tinuligsa ni Lacson ang umano’y walang basehang mga kritisismo ni Sen. Imee Marcos laban sa Blue Ribbon Committee, kahit hindi naman umano dumalo ang naturang mambabatas sa alinman sa mga pagdinig na kanyang pinamunuan.
Pinabulaanan niya ang pahayag ni Marcos na pinagbawalan umano niya ang mga miyembro na iugnay ang ilang personalidad, gaya ni dating Speaker Martin Romualdez, sa isyu, at iginiit na hindi naman ito dumalo sa mga pagdinig na kanyang pinamunuan.
Tinugon din niya ang paratang ni Sen. Marcos na “nililimitahan” niya sa 10 minuto ang pagtatanong ng mga senador, na aniya’y kinakailangan upang mabigyan ng pagkakataon ang bawat senador na makapagtanong.
“Unang una paano niyang masasabing pinagbawalan, hindi naman siya nag-attend ng hearing?” ani Lacson.
“Meron akong nasabi ko na ito, the best response to nonsense is silence. Pero pag nag insulto na, hindi mo na rin pwedeng i-disregard. Iniinsulto niya ang Blue Ribbon Committee, ina-undermine niya ang integridad ng committee na member din naman siya doon. Bakit di siya mag-attend at tanungin niya?” dagdag pa niya.
Pag-amin ni Lacson, nananatiling palaisipan ang tunay na dahilan kung bakit tila determinado ang ilang senador—kabilang sina Marcos at Sen. Rodante Marcoleta—na gambalain ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
“Ang problema may ganyang mga kasamang nanggugulo talaga. Di ko alam ano ang kanilang end game,” aniya. (ESTONG REYES)
