WALANG puwang kahit katiting na bulilyaso ang pagdaraos ng nalalapit na ASEAN Summit sa Cebu, ayon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Sa isang kalatas, tiniyak ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang seguridad matapos isapinal ang hakbang sa nalalapit na pagtitipon ng mga lider mula sa iba’t ibang bansa sa Asya.
Kabilang sa mga inaasahang dadalo ang ASEAN ministers para talakayin ang ugnayan at turismo.
Inatasan din ni Nartatez ang Cebu PNP na tiyaking sapat ang bilang ng mga pulis para sa aktibidad ng ASEAN event na kasabay ng taunang Sinulog Festival.
“Our personnel in Cebu are not only focused on the Sinulog Festival but also on the upcoming ministerial meetings in connection with the ASEAN Summit and related summits,” aniya.
“I already directed the Regional Director, PRO7 to ensure there is enough deployment for the ASEAN Tourism and Foreign Ministers’ meetings, in addition to the deployment for the Sinulog Festival,” dagdag pa ng hepe ng pambansang kapulisan.
Binigyan-diin din n g heneral ang seguridad para sa lahat ng delegado, kabilang ang foreign dignitaries na dadalo sa ASEAN summit.
“As the country hosts this year’s ASEAN Summit, the PNP wants to demonstrate to the international community that the Philippines is a safe and secure place,” aniya.
Gayunpaman, nilinaw ni Nartatez na wala pang natutukoy na partikular na banta ang mga security forces kaugnay ng ASEAN Summit.
“So far, no threats have been monitored but our cops will remain vigilant to prevent any disruption to peace and security,” ani Nartatez. (EDWIN MORENO)
