HINDI pa man nagsisimula ang pagdinig sa asuntong inihain ni Deputy House Speaker Ronnie Puno, isang panibagong kaso ng cyberlibel ang isinampa ni Manila 2nd District Rep. Roland Valeriano laban kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa Manila Prosecutor’s Office kahapon.
Ang naturang reklamo opisyal na tinanggap ni Senior Asst. City Prosecutor Cesar Ramil Margate.
Sa panayam ng Manila City Hall Press Club (MCHPC), nanindigan si Valeriano laban sa umano’y katampalasan ng bagitong kongresista. Aniya, dapat maunawaan ni Barzaga na may kalakip na responsibilidad ang bawat paratang na lalabas sa social media — lalo pa’t nakakasira sa buhay at reputasyon ng iba.
Nag-ugat ang reklamo sa “online post” ni Barzaga noong Enero 9 kung saan pinaratangan ang National Unity Party (NUP) na tumanggap ng suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon para suportahan ang speakership ni Leyte Rep. Martin Romualdez.
Paglilinaw ni Valeriano, handa naman umano siyang magpatawad pero tuloy ang kaso laban kay Barzaga.
Giit pa ni Valeriano, “fake news” ang alegasyong tumanggap ng pera ang mga miyembro ng partido mula sa negosyanteng si Enrique Razon para suportahan si Romualdez bilang House Speaker.
Katwiran ni Valeriano, walang basehan ang panunuhol lalo pa’t wala naman aniyang kalaban sa pwesto si Romualdez. Ipinunto rin ng Manila congressman na 40 lamang ang bilang ng mga kongresistang miyembro ng NUP.
Mensahe ni Valeriano kay Barzaga, magpakabait at hinay-hinay lang sa pagbanat ng mga kapwa kongresista. (JULIET PACOT)
