UMARANGKADA na sa Metro Manila ang ikalawang National Decongestion Summit sa pangunguna ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC) na binubuo ng Korte Suprema, Department of Justice at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Layon ng tatlong araw na aktibidad na gaganapin sa Manila Hotel mula Enero 21 hanggang 23 paigtingin ang mga hakbang para sa paluwagin ang mga piitan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga pangunahing tatalakayin sa summit ang pagsasama o unification ng Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology sa isang integrated correctional system alinsunod sa Nelson Mandela Rules.
Tututukan din ang restorative justice, ang pagpapabuti sa pagtataos ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) para sa mas mabilis na pagpapalaya at ang mahalagang papel ng law students sa decongestion efforts sa pamamagitan ng Clinical Legal Education Program.
Tampok din sa programa ang pagbibigay ng boses sa mga kasalukuyan at dating Persons Deprived of Liberty sa pagbalangkas ng mga polisiya upang masiguro akma sa tunay na karanasan sa loob ng mga pasilidad ang reporma.
Inaasahang matatapos ang summit sa paglagda ng Declaration of Continuing Commitment upang pagtibayin ang dedikasyon ng iba’t ibang ahensya sa makatao at epektibong sistemang-pangkatarungan. (JULIET PACOT)
