WALANG dahilan para pagkaitan ng lokal na pamahalaan ang mga batang-Maynila, ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, kasabay ng anunsyo sa nalalapit na liver transplant ng panibagong batch ng mga kabataan mula sa nasasakupang lungsod.
Pagtitiyak ni Moreno, sasagutin ng lokal na pamahalaan ang gastusin sa tinawag niyang life-saving liver transplant sa ilalim ng medical assistance program ng Manila.
Ayon sa alkalde, dadalhin ang mga batang-Maynila sa India para sa operasyon.
Garantiya ng alkalde, naglaan na ang Manila City government ng P6.9 milyon para sa paunang gastusin ng apat na batang sasailalim sa liver transplant at isang pasyenteng nangangailangan ng burr hole aspiration at craniotomy.
Ang hakbang ng lokal na pamahalaan ay bahagi aniya ng patuloy na programa para tulungan ang mga residenteng hindi kayang tustusan ang mataas na gastusin sa mga specialized medical procedure, partikular ang pediatric liver transplant na limitado pa sa bansa.
Noong Disyembre 2025, naglaan din ang lungsod ng P7.4-milyong piso mula sa Special Health Fund para sa limang batang Manilenyo na sumailalim sa liver transplant sa India.
Giit ni Moreno, mandato ng pamahalaan na palakasin ang kakayahang medikal ng bansa, kasunod ng kauna-unahang matagumpay na pediatric liver transplant sa isang pampublikong ospital sa UP Philippine General Hospital. (JULIET PACOT)
