SA gitna ng pananahimik ni Sen. Camille Villar, minabuti ni Sen. Erwin Tulfo na gampanan ang trabahong dapat sana’y pasimulan ng chairperson ng Senate Committee on Environment and Natural Resources,
Kasunod ng magkakasunod na karahasan sa pagbuwag ng kilos protestang inorganisa ng mga residenteng tutol sa minahan sa Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya, iminungkahi ni Tulfo imbestigahan ang pagiging adelentado ng lokal na pamahalaan.
Nitong Lunes, nanawagan si Tulfo na imbestigahan ng Senado “in aid of legislation,” ang mga exploration activities ng minahan ng isang dayuhang kumpanya sa nabanggit na lalawigan.
Pinuna rin ni Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, ang Philippine National Police (PNP) dahil sa paggamit ng pwersa upang buwagin ang mga kilos protesta ng residenteng karamihan ay mga magsasaka.
Sinabi ng senador na binigyan ng kinakailangang permit sa pagmimina ang dayuhang kumpanya nang walang konsultasyon sa mga residente at lokal na opisyal.
“Ayon sa mga residente at mismong mga halal na opisyal ng lokal na pamahalaan, wala umanong naganap na tunay, malinaw, at makabuluhang konsultasyon bago ibinigay ang nasabing permit,” ani Tulfo sa kanyang privileged speech.
“Mr. President, kung ito ay totoo, hindi lamang ito simpleng pagkukulang. Isa itong malinaw na pagyurak sa Local Government Code at sa prinsipyo ng local autonomy,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Tulfo na hindi maaaring balewalain ang mga LGU sa mga desisyon na ginagawa sa national level.
“Imposible ring balewalain ang mga komunidad na direktang apektado ng pagmimina—sa kanilang lupa, tubig, kabuhayan, at kalusugan,” aniya.
Noong Agosto 25, inaprubahan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang exploration permit para sa Woggle Corp., isang affiliate ng British firm na Metals Exploration Plc at FCF Minerals Corp., sa mahigit 3,100 ektarya sa Dupax del Norte, na sumasaklaw sa limang barangay—Bitnong, Inaban, Mungia, Parai, at Oyao.
Upang tutulan ang exploration activities, nagsimulang magtayo ng barikada ang mga residente noong Setyembre 2025. Ang Dupax del Norte ay isang 3rd class municipality na may 15 barangay at mayaman sa tanso at ginto.
Ang masaklap pa aniya, pwersahang binaklas ng mga miyembro ng PNP noong Enero 23, 2026 ang barikada na humaharang sa mining firm papunta sa exploration site at inaresto ang pitong residente.
Tatlong araw pagkatapos, ibinasura ng prosecutors’ office ang mga kasong “resistance and disobedience” laban sa pitong residente.
“The right of citizens to peacefully assemble and express opposition — especially on issues that affect their land, environment, and livelihood—is protected by our Constitution. Any use of force against civilians exercising these rights must be subjected to the highest level of scrutiny,” ani Tulfo.
“Mining exploration is not a neutral activity. It has long-term implications on water systems, agricultural land, indigenous communities, and ecological balance. This is precisely why consultation is not an option—it is mandatory,” dagdag pa niya.
Inatasan rin ni Tulfo si DENR Secretary Raphael Lotilla magbigay ng paliwanag sa likod ng inilabas na permiso sa exploration project, gayundin sa MGB na inutusan naman iprisinta ang mga dokumento, konsultasyon, at correspondence na nagpapahintulot sa exploration activities.
Hindi rin lusot ang mga pulis na inanyayahan humarap sa senado para bigyang-katwiran ang paggamit karahasan sa mga mamamayang dapat nilang pinoprotektahan.
“Mr. President, the people of Dupax are not asking for special treatment. They are simply asking for what the law already guarantees them: a voice in decisions that will shape their future,” pagtatapos ni Tulfo.
Kamakailan, kumalat sa social media ang panawagan kay Villar na magsagawa ng imbestigasyon laban a Dupax mining ngunit walang tugon ang tanggapan ng komite na kanyang pinamumunuan hinggil sa isyu. (ESTONG REYES)
