PARA sa Bureau of Customs (BOC), walang dahilan para maloko ang mga overseas Filipino workers (OFW) na nagsasakripisyo para lang may maipadala sa kani-kanilang pamilya sa bansa.
Sa isang kalatas, ibinahagi ng BOC ang nakatakdang pakikipag-ugnayan ng kawanihan sa Department of Migrant Workers (DMW) para magabayan ang mga OFWs sa pagpapadala ng mga balikbayan boxes.
Partikular na tinukoy ng BOC ang dinanas ng mga OFW na nagbayad sa pagpapadala ng balikbayan boxes sa Pilipinas. Sa kasamaang palad, anang kawanihan, hindi inihatid ng logistic provider ang mga balikbayan boxes na naglalaman ng “lambing” ng mga kaanak na nasa bansa.
Bilang paunang hakbang, inihayag ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang napipintong paglalabas ng listahan ng logistic providers na may atraso sa mga OFWs.
Sa panig ng DMW, tiniyak ng kagawaran ang magpapakalat ng impormasyon at pag-iingat sa pagpapadala ng mga manggagawa abroad.
Sa ganitong paraan anya, hindi na maloloko ang mga OFW sa pagpapadala ng balikbayan boxes sa mga mahal sa buhay. (JULIET PACOT)
