HINDI pa man nakakagulapay ang mga motorista sa mahigit P15 na patong sa presyo kada litro ng krudo, nanawagan ang Department of Energy sa publiko na paghandaan ang panibagong oil price hike sa Martes, Marso 10.
Ang halaga — tumataginting na P24 dagdag sa presyo kada litro ng diesel na karaniwang ginagamit ng mga pampasaherong dyip at bus, gayundin ang mga pabrika at iba pang negosyo.
Bukod sa diesel, asahan din ang dagdag-presyo sa iba pang produktong petrolyo.
*Gasoline: P11.00 – P13.00 kada litro
*Diesel: P22.00 – P24.00 kada litro
*Kerosene: P33.00 – P36.00 kada litro
Paliwanag ng DOE, ang umento sa presyo ng binebentang petrolyo ay dulot ng patuloy na paglobo ng presyo ng crude oil sa pandaigdigang merkado, na pangunahing sanhi ay ang tensyon sa Middle East at pangamba sa supply chain.
Ayon sa DOE, ang mga datos mula sa international trading ay nagpapakita ng tuloy-tuloy na pag-akyat ng presyo ng Dubai crude at finished petroleum products, na direktang nakakaapekto sa lokal na presyo ng langis.
Simula Enero 2026, sunod-sunod na linggo nang may dagdag-presyo sa petrolyo.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng diesel ay nasa halos P75 kada litro, at inaasahang aabot sa P94 kada litro sa ilang gasolinahan matapos ang bagong dagdag-presyo.
Ang gasolina naman ay maaaring pumalo sa P87 kada litro.
Malaking epekto ang inaasahan sa sektor ng transportasyon, lalo na sa mga jeepney at bus operators, pati na rin sa mga kabahayan na umaasa sa kerosene para sa pang-araw-araw na gamit.
