ISANG taon matapos sumingaw ang pangongontrata ng mga congressman sa mga infrastructure projects ng pamahalaan, naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay Uswag Ilonggo partylist Rep. Jojo Ang.
Sa isang kalatas, kinumpirma ng Sandiganbayan Third Division ang warrant of arrest laban kay Ang para sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Partikular na tinukoy ng husgado ang anggulo ng conflict of interest ng nabanggit na mambabatas sa mga infrastructure projects na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bukod sa mandamiento de arresto, naglabas na rin sa hold-departure order ang Sandiganbayan laban sa nasabing partylist congressman. Ayon sa korte, hindi na rin pwedeng lumabas sa bansa si Ang hanggat hindi pa tapos ang kinakaharap na asunto.
Nahaharap si Ang sa 14 counts ng graft matapos mabisto ang koneksyon sa sa isang construction firm na nakakuha ng P214 milyong halaga ng mga kontrata mula sa DPWH.
