SA gitna nagbabadyang krisis sa langis, nanawagan si Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros sa mga kapwa mambabatas na agad aprubahan ang P52.8-billion supplemental budget bilang tugon sa namimintong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sanhi ng tumitinding sigalot sa Middle East.
Ayon kay Hontiveros, ang naturang halaga ay bibiyakin sa tatlong bahagi — P12 bilyon para sa transport subsidy, P2.8 bilyon sa agricultural subsidy, at P38 bilyon bilang emergency fund sa repatriation at reintegration ng apektadong overseas Filipino workers (OFWs).
“Ang panawagan natin ngayon ay simple at hindi tingi-tingi — kailangan nang pag-usapan, ihanda, at ipasa ang isang emergency supplemental budget package, na sa estima ng aking opisina, ay aabot ng P52.8 billion,” wika ng senadora.
Una nang ibinahagi ng Department of Energy ang pagsirit sa presyo ng petrolyo ngayong linggo — P17 hanggang P24 kada litro.
Sa usapin ng pananalapi, ipinaliwanag ni Hontiveros na maaaring gamitin ang P70 bilyong budget para sa mga itinigil na flood control projects noong nakalipas na taon.
“Money may also be freed up through the “phased obligation” of some large-scale infrastructure projects, so their entire cost is not immediately released,” dagdag ng mambabatas.
Makakatulong din aniya ang P2.5 bilyong pondo para sa farm machinery ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization na maaring gamitin bilang agricultural subsidy; at bahagi ng P17.5 bilyong budget na inilaan para sa ASEAN 2026 Summits and Meetings.
“Kahit nga wala pang batas sa supplemental budget, pwede nang magsimulang mag-abot ng subsidies, even if partly, ang mga ahensya gamit ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Program, na may P23.4 billion sa ilalim ng 2026 budget,” ani Hontiveros.
“Hindi totoo na wala tayong mapagkukunan. Meron. Kailangan lang pag-usapan, pag-isipan, at aksyunan na agad,” aniya pa.
Sinabi pa ni Hontiveros na nakapag-usap na umano ang kanyang tanggapan sa Department of Finance (DOF) kung saan kukunin ang pondo. (ESTONG REYES)
