Kasabay ng Rabies Awareness Month, nananawagan si Senador Mark Villar para sa isang komprehensibong tugon laban sa krisis ng rabies sa bansa. Abniya, malaking bentahe ang pagkakaroon ng sapat na serbisyong beterinaryo at maayos na pangangasiwa sa mga stray animals para sa kaligtasan ng publiko at maiwasan ang rabies-related deaths.
KASABAY ng taunang paggunita ng Rabies Awareness Month, muling kinalampag ni Senador Mark Villar ang pamahalaan na agad tugunan patuloy na paglobo ng kaso ng rabies sa iba’t ibang panig ng bansa.
Para kay Villar, napapanahon nang ikonsidera ng Kongreso ang Senate Bill 255 (Animal Medical Center Act) na naglalayon magtaguyod ng veterinary clinic sa bawat lungsod at munisipalidad, at paglalaan ng pondo para sa bakuna kontra rabies.
Bukod sa SB 255, nanawagan si Villar sa mga kapwa mambabatas na pagtibayin ang SB 591 (Stray Animal Adoption Incentives) na nagtutulak ng insentibo sa mga mag-aampon ng mga tinaguriang askal (asong kalye), pusakal (pusang kalye) at iba pang pagala-galang hayop sa lansangan.
Kumbinsido ang mambabatas na sa bisa ng mga isinusulong na panukala, mababawasan ang banta ng rabies sa mga lansangan.
Sa datos ng senador, nasa 13.11 milyong hayop ang pasok sa kategorya ng “stray animals,” na karaniwang nagdudulot ng panganib sa mga mamamayan.
Higit pa aniya sa pagpuksa sa banta ng rabies, marapat lang aniyang protektahan ang mga hayop, alinsunod sa Animal Welfare Act.
Ibinahagi rin Villar ang kwento ng estudyanteng si Jamaica Seraspe na binawian ng buhay matapos makagat ng isang askal.
“She represents a critical public health gap where immediate medical attention and animal vaccination could have saved a life,” wika ni Villar.
Pag-amin ng senador, bumaba ng 65 porsyento ang bilang ng mga nakagat ng hayop, nananatiling banta ang rabies sa bansa.
Katunayan aniya, nasa ikaanim na pwesto ang Pilipinas sa kategorya ng “rabies incidence” sa buong mundo. Ang dahilan — malabnaw na programa kontra rabies at kakulangan kamalayan ng publiko sa bentahe ng bakuna.
Higit na kilala si Villar na malapit sa mga alagang hayop na sina Hay at Jill na kanyang kinupkop matapos masagip sa lansangan sa tulong ng PAWSsion Project.
Gayunpaman, nilinaw ni Villar na hindi dapat ipaubaya ang lahat sa gobyerno, kasabay ng panawagan sa mga “pet owners na maging responsable sa alagang hayop.
“Ilang kabataan na tulad ni Jamaica pa ba ang babawian ng buhay dahil walang sapat na akses sa lunas? Kung ang asong nakakagat kay Jamaica ay nabakunahan lamang, marahil ay buhay pa siya ngayon,” dugtong ni Villar.
