HINDI pwedeng lumipad patungo sa ibang bansa si Senador Jinggoy Estrada — kesehodang makakuha pa ng permiso mula sa Sandiganbayan.
Sa isang kalatas, nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na mananatili ang precautionary hold departure order na inilabas ng Manila Regional Trial Court laban kay Estrada na pinaniniwalaang sangkot sa tinaguriang flood control scandal.
Ayon sa DOJ, kailangan manatili si Estrada sa Pilipinas para harapin ang kabi-kabilang alegasyon ng korapsyon — maliban na lamang kung papayag ang Manila RTC.
Magugunitang naglabas ng precautionary hold departure order ang Manila RTC Branch 52. Sa naturang kautusan, naniniwala ang korte na “flight risk” ang mambabatas na dati nang nakulong bunsod ng korapsyon.
Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, may sariling bisa at nananatiling epektibo ang PHDO na inilabas ng korte sa Maynila.
Magkaiba rin aniya ang hurisdiksyon at proseso ng dalawang kaso, kaya’t hindi ito mawawala hangga’t walang utos ang korte na bawiin ito.
Binanggit din ni Martinez na kinukuwestiyon ng kampo ni Estrada ang hurisdiksyon ng Manila RTC sa kaso pero iginiit ng DOJ na nasa korte na ang desisyon hinggil sa nasabing usapin.
Nauna nang humiling si Estrada ng pahintulot sa Fifth Division ng Sandiganbayan para makabiyahe sa Hong Kong, Macau, at Japan simula Marso 31 hanggang Abril 5.
