HABANG patuloy ang paghahanap ng solusyon ng pamahalaan sa kahirapang dulot ng krisis sa Gitnang Silangan, agarang kumilos ang Rotary Club of Taytay Renaissance para maghatid ng pag-asa sa hanay ng mga maralita sa liblib na bahagi ng Tanay, Rizal.
Sa pangunguna ni Atty. Liza Santiago na tumatayong charter president ng Rotary Club of Taytay Renaissance, partikular na tinungo ang Purok 4, Barangay Tabing-Ilog para handugan ng kabuhayan ang mga inang mag-isang nagtataguyod ng pamilya.
Bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan, nasa 12 high-speed sewing machines ang ibinahagi sa mga solo parents mula sa nasabing komunidad, bilang bahagi na rin ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan.
Pag-amin ni Atty. Santiago, hindi naging madali ang paglalakbay patungo sa liblib na bahagi ng Tanay para dalhin ang tinawag niyang Caretela Livelihood Project na naglalayong isulong ang patas na pagtingin sa mga kababaihan ng makabagong panahon.
Bukod sa makinang panahi, hinandugan din ng Rotary Club of Taytay Renaissance ng tsinelas sa hanay ng mga residente — kabilang ang mga musmos.
Sinabayan din ng simpleng salo-salo at mga palaro ang pagdayo ng mga Rotarians.
Samantala, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang Rotary Club of Taytay Renaissance kay District 3800 Governor Gina Sanchez na nagbigay suporta sa proyektong bahagi ng mas malawak na adbokasiya — ang paglilingkod higit sa sarili.
