HINDI lang isa ang bulilyaso ng Vice President Sara Duterte sa hinawakang confidential and intelligence funds (CIF) sa unang bahagi ng termino bilang pangalawang pangulo.
Sa kabuuan, pumalo sa P448 million ang kabuuang halaga na dapat ibalik sa gobyerno ni VP Sara matapos mag-isyu ng panibagong Notice of Disallowance ang Commission on Audit kaugnay ng maling paggamit sa daan-daang milyong CIF noong taong 2022 at 2023.
Sa Notice of Disallowance na may petsang Marso 31, 2026, partikular na tinukoy ang tatlong magkakahiwalay na P125 million cash advances mula sa CIF ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO), lumalabas na inutusan umano ni VP Sara si Special Disbursement Officer Gina Acosta na ibigay ang lahat ng “cash advances” kay Col. Raymund Dante Lachica, ang pinuno ng Vice-President Security and Protection Group (VPSPG)
“The directive given by the Hon. Vice-President Sara Z. Duterte to Ms. Gina F. Acosta to release/give the cash advances for confidential expenses to Col. Raymund Dante P. Lachica, the Head of the Vice-President Security and Protection Group (VPSPG), is contrary to Item 6.1.1 of COA-DBM-DILG-GCG-DND Joint Circular No. 2015-01′ (Joint Circular) dated January 8, 2015,” saad sa isang bahagi ng Notice of Disallowance.
“The Joint Circular states that “cash advances shall be used for specific legal purposes related to CF and or IF. Under no circumstance shall it be used for liquidation of the previous cash advance or be transferred from one accountable to another.”
Mayroon din nakitang butas ang COA sa paggamit ng P350 million confidential fund ng OVP mula Pebrero hanggang Setyembre noong taong 2023, gaya ng kawalan umano ng supporting documents para sa mga informant na tumanggap ng “reward” at paggamit ng nasabing pondo para sa pagbili ng supplies, pagkain at aid provisions.
“The payments of rewards amounting to P62,000,000.00 as shown in Table 1, did not comply with the requirements of Item 4.8.5 of the Joint Circular, particularly the submission of supporting documents evidencing the success of the information gathering and/or surveillance activities on account of the information given,” sabi ng COA-ICFAO.
“The purchases of supplies and provisions of medical/food aid totaling P199,000,000.00, presented in Table 2, were supported only by acknowledgement receipts,” dugtong pa ng nasabing tanggapan.
Bukod sa bise-presidente, Acosta at Lachica, tinukoy din si OVP chief accountant Julieta Villadelrey na kasama sa mga responsable sa maling paggamit ng P375 million confidential fund.
Una nang naglabas ng final ruling ang COA En Banc sa Notice of Disallowance na inisyu sa P73 million na confidential funds ng OVP na ginamit noong Disyembre 2022. Sa naturang kalatas ng ahensya, inatasan ang pangalawang pangulo ibalik ang pondo sa gobyerno.
Ayon kay Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, ang panibagong notice of disallowance na inisyu ng COA laban sa OVP ay nagpapatunay na hindi lang isang beses bagkus ay tila mayroong malawak na sistemang ginagawa para waldasin ang daan-daang milyong confidential funds na nasa ilalim ng pangangasiwa ni Duterte.
“Kapag naging final ang finding ng COA, hindi na ito usapin ng opisina lamang. May personal na pananagutan na ang mga pinangalanan sa disallowance,” dugtong niya.
“To be clear, the recurring issue is still the same: hindi nila maipakita nang maayos ang mga report at supporting documents para mapatunayan ang paggamit ng confidential funds. At kung magiging final din ang mga ganitong findings, malinaw na personal na pananagutan din ang papasok sa mga susunod na disallowance,” wika pa ni Ridon, na siya ring chairman ng House Committee on Public Accounts.
Una nang ipinahayag ni Ridon na sa final ruling ng COA en banc, mas tumibay ang isa sa basehan ng impeachment charges laban sa bise presidente, partikular ang betrayal of public trust dahil sa pagwawaldas sa daan-daan milyong confidential funds.
Pagbibigay-diin pa ng Bicol Saro partylist solon, bukod sa pagsasakdal sa Senate impeachment trial, maaari rin maharap sa kasong administratibo at kriminal ang bise-presidente mula sa COA, Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.
