MANDATO, at hindi paninira sa pangalawang pangulo ang dahilan sa likod ng pag-usad ng impeachment process na isinasagawa ng House Committee on Justice.
Sa isang kalatas, itinanggi rin ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, na tumatayong tagapamuno ng naturang komite, ang alegasyon — na ang isinasagawang impeachment hearings ay layon lamang durugin ang reputasyon ni Vice President Sara Duterte.
“We are mandated to determine the existence of probable cause. In doing so, we are authorized to conduct this hearing proper/clarificatory hearing and in doing so as well we are authorized to exercise this compulsory process such as the issuance of subpoena duces tecum and subpoena ad testificandum,” giit ni Luistro.
“Sa lahat po rin ng sambayanang Pilipino, ito pong aming ginagawang ito ay hindi pagpapahiya sa ating VP. Ito po ay bahagi ng impeachment process. Kami po ay may trabahong i-determine kung may sapat na dahilan upang umusad ang impeachment process. Kaya kailangan po namin mag-conduct ng clarificatory hearing,” dagdag niya.
Paglilinaw ni Luistro, ang ginagawa ng komite ay hindi isang full trial, bagkus ay isang pagdinig para timbangin kung may matibay na batayan ang mga akusasyon laban sa bise-presidente at pagpasyahan kung nararapat na isampa ang reklamo sa Senate impeachment trial.
“We need to see if the allegations in the complaint and the attached evidence are sufficient already to constitute probable cause. Kung may probable cause po, idi diretso po natin ito sa plenaryo kung saan pagdedebatehan at kung sasangayunan po ng plenaryo ang desisyon ng Justice Committee, ito po ay itratransmit sa Senado para magkaroon ng trial,” sabi ng lady House panel chair.
“Otherwise, kung sa paningin ng Justice members ay walang sapat na dahilan, eh sa Justice Committee pa lamang i-dismiss na po ito. At ito pong dismissal na ito ay aming i-rerecommend sa plenaryo upang kanilang pag-aralan kung tama o hindi ang naging pasya namin and whatever will be the decision of the plenary,” dugtong ni Luistro.
Nanindigan din si Luistro sa kahalagahan ng impeachment bilang “constitutional check” na maaaring gamitin laban sa impeachable officials na nakagawa ng malaking pagkakasala gamit ang posisyon sa gobyerno.
“Ito po yung tinatawag nating accountability mechanism which is innate in a democratic form of government. Ang very famous na sabihin about democratic form of government is a government of the people, by the people and for the people. At ito po ang kapangyarihan ng taumbayan to check on this impeachable official if they committed impeachable offenses and if so, may kapangyarihan ang taong bayan tanggalin at ipagbawal ang patuloy na pagtanggap ng posisyon sa gobyerno,” paliwanag pa ni Luistro.
Nanindigan naman si TINGOG partylist Rep. Jude Acidre na ang House impeachment proceedings ay masusing tumatalima sa itinataguyod ng Saligang Batas at sumusunod sa alituntunin itinakda ng Korte Suprema patungkol sa tamang proseso.
“Kung iko-compare sa ibang nakaraang mga procedure, similar proceedings, eto na siguro yung by the book, talaga. Even the way we call it, like parang merong hearing proper, we’re very precise. Kung ano ang language ng rules yun din ang sinusunod natin,” ani Acidre.
“Basically ‘yung proseso na meron tayo ngayon sa Justice Committee is, it’s a determination of probable cause. Kumbaga tinitignan natin kung may basehan ba talaga na mag-proceed ang impeachment complaint dun sa Senado,” giit din niya.
Ayon kay Acidre, ang pagtatanong ng mga miyembro ng House justice panel sa resource persons ay patungkol lamang sa tinalakay na mga salaysay o ebidensya at hindi para suriin ang kredibilidad ng testigo.
“Ang mga tanong namin limitado lang dun sa evidence na provided at that stage. So hindi ninyo pwedeng atakihin ‘yung integridad, kredibilidad ng witness,” sambit pa Acidre.
Iginiit din niya na patuloy na binibigyan ng komite si Duterte na humarap sa mga pagdinig upang direktang sagutin o maghain ng mga ebidensya kontra sa mga alegasyon sa kanya.
“Everytime kami nagmo-move to a resource person kahit wala duon ang Bise Presidente ay pinapatawag siya. Just to put on record that [she has] been given the opportunity to respond,” paglilinaw ni Acidre.
