IDADAAN ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson sa privilege speech ang Chairman’s Progress Report hinggil sa flood control scandal sa muling pagbubukas ng session sa Mayo.
Para kay Lacson, ang malayang talumpati ang magsisilbing daan para sa pagpapatuloy ng pagdinig sa isyu ng katiwalian sa likod ng proyekto kontra-baha ng pamahalaan.
Paglilinaw ng mambabatas, hindi pa rin kumpleto ang kinakailangang pirma para maihain at ma-sponsor sa plenaryo ang partial committee report.
“I will present it via a privilege speech entitled ‘The Chairman’s FCP Progress Report.’ At least kung privilege speech, since ayaw pumirma ng ibang members, I don’t have to consult them,” wika ni Lacson.
Sa sandaling ihain sa plenaryo, ang Chairman’s Progress Report — na kinapapalooban ng laman ng partial report — ay maaari na aniyang ibahagi sa Department of Justice at Office of the Ombudsman.
Habang sinusulat ang balita, anim pa lang na pirma ang partial committee report hanggang Lunes. Sa ilalim ng umiiral na panuntunan, siyam na lagda ang kailangan ng komite para maihain at ma-sponsor.
“I’ll be able to share the report and our recommendations with the Ombudsman since magiging public record na yan after I have presented it by way of a privilege speech. Sayang kasi — para mapakinabangan ang evidence kesa mapanis lang,” ani Lacson.
Samantala, itinuwid din ni Lacson si Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng panawagan imbitahan si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga pagdinig ng panel hinggil sa flood control controversy.
Giit ni Lacson, dalawang beses nang inimbitahan si Romualdez sa mga pagdinig ng komite, alinsunod sa matagal nang umiiral na tradisyon ng inter-parliamentary courtesy sa pagitan ng Senado at ng House of Representatives—ngunit hindi ito dumalo.
“Mula pa nung unang nagbukas ang Philippine Congress under a bicameral system, umiiral na ang inter-parliamentary courtesy between the two chambers,” dugtong ng senador.
Aniya, ang tanging “exception” ay kapag kusang dumalo ang mga miyembro ng Kamara sa mga pagdinig ng Senado, tulad ng ginawa nina Reps. Tobias Tiangco at Leandro Leviste na humarap sa Blue Ribbon panel.
Binanggit din ni Lacson ang boluntaryong pagdalo ng dating Rep. Vicente Veloso sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs.
“Kaya nga time-honored tradition ang tawag. Hindi pa rin ba pumapasok sa bumbunan niya yun?” aniya.
Tinutukoy ni Lacson ang panawagan ni Marcoleta sa isang panayam sa radyo na anyayahan si Romualdez, na umano’y nagpahiwatig ng kahandaan magsalita sa isyu ng flood control scandal.
Batay sa rekord ng komite, dalawang ulit nang inanyayahan si Romualdez dumalo sa pagdinig noong Nobyembre 14 at Enero 19 na kapwa inisnab ng dating lider ng Kamara.
