NAHAHARAP sa panibagong aberyang posibleng magdulot ng pagka antala ng kauna-unahang parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa isang petisyon sa Korte Suprema, partikular na kinuwestyon ang mga patakaran at redistricting sa BARMM na posibleng makaapekto sa representasyon at partisipasyon ng mga botante.
Batay sa manifestation na inihain sa Korte Suprema, nagpahayag ng pagtutol sina Sultan Alim Saad Amate at Maulana Mamutuk sa Bangsamoro Autonomy Act Nos. 86 at 88, na may nakabinbin pang petisyon.
Giit pa sa petisyon may posibilidad na may parehong depekto ang bagong redistricting law, katulad ng nauna nang ibinasura ng Korte. Dagdag pa, huli na rin itong naipasa, kaya kinukuwestiyon ang bisa nito.
Giit ng mga petitioners, posibleng maapektuhan ang representasyon sa mga lugar gaya ng Marawi City at Lanao del Sur, na maaaring magpahina sa boses ng mga botante.
Pinuna rin ng mga petitioner ang bagong accreditation requirement, kung saan pinaparehistro muli ang mga existing political parties kahit malapit na ang eleksyon, isang hakbang na, ayon sa kanila, ay pwedeng magamit para madiskwalipika ang mga nais tumakbo sa halalan.
Panawagan ng mga petitioners sa Korte Suprema, agad resolbahin ang accreditation issues bago pa man sumapit ang takdang petsa ng paghahain ng kandidatura sa Mayo 5 hanggang 7.
Higit na angkop rin anila kung paigtingin ng Commission on Elections ang voter education, lalo’t may agam-agam pa rin sa panibagong postponement ng eleksyon na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.
Giit ng mga petitioner, kung hindi ito maaayos, mananatiling may “cloud of constitutional doubt” ang nalalapit na BARMM elections.
