MATAPOS ang halos apat na buwan, nananatili pa rin ang banta sa mga residente ng Albay sa posibilidad ng muling pagputok ng Bulkang Mayon matapos makapagtala ng indikasyon ng pag-aalboroto.
Sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) araw ng Huwebes nang maitala ng ahensya ang “lava effusion with collapse-fed pyroclastic density currents” at “short-lived lava fountaining” sa pagitan ng alas 2:15 hanggang 2:17 ng madaling-araw.
Dakong alas 9:01 ng umaga, naitala ang minor strombolian activity sa summit crater ng bulkan na bumuga ng 100-metrong taas na ash plume na tinangay naman sa direksyon ng kanluran.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon at kasalukuyang nasa ika-115 sunod na araw ng effusive eruption. Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa anim na kilometrong permanent danger zone.
