PUMALO na sa 55 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nasawi sa magnitude 7.8 lindol na yumanig sa Mindanao noong Hunyo 8.
Batay sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD), Soccsksargen region ang may pinakamaraming bilang ng nasawi. Nasa ikalawang pwesto naman ang Davao region.
Ayon sa OCD, nasa 1,120 katao ang sugatan habang 31 naman ang patuloy na hinahanap ng search and rescue teams sa mga apektadong lugar sa katimugan.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa 346,449 indibidwal (katumbas ng 75,324 pamilya) mula sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang apektado ng sakuna.
Samantala, patuloy pa rin ang panunuluyan ng 16,349 apektadong indibidwal (katumbas ng 3,515 pamilya) sa mga evacuation center.
