MATINDING selos ang sinisilip na motibo sa likod ng hayagang pagpatay sa isang guro ng nobyong sundalo sa bayan ng Del Gallego, lalawigan ng Camarines Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon ng lokal na pulisya, kumakain ang hindi pinangalanang biktima sa plaza kasama ang mga kaibigan nang biglang kaladkarin ng suspek.
Nang mapansin ang kaganapan, agad na sumaklolo ang isang barangay tanod. Subalit sa halip na mag paawat, bumunot at pinaputukan umano ng baril ang tanod.
Pagkatapos barilin ang tanod, muling nagpaputok ang suspek. Ilang sandali pa, duguang humandusay ang guro.
Sunod naman nagbaril sa sarili ang sundalo.
Agad na isinugod sa pagamutan ang guro, tanod at ang suspek. Sa kasamaang palad, agad na nalagutan ng hininga ang guro bago pa man sumapit sa ospital.
Kasalukuyang nasa pagamutan ang tanod at ang sundalong nahaharap sa patong-patong na kaso.
