DALAWANG taon bago pa man sumapit ang takdang petsa ng susunod na halalan, umarangkada na rin ang paglundag ng mga politiko sa ibang partido.
Sa Kamara, nilayasan umano ng 10 kongresista ang partidong Lakas-CMD na pinamumunuan ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Ang nilipatang lapian — ang National Unity Party (NUP) na pinangungunahan ni Deputy House Speaker at Antipolo City Rep. Ronnie Puno.
Kabilang sa mga kongresistang nag ober-da-bakod si Manila Rep. Joel Chua.
Pag-amin ni Chua, nanumpa na siya sa bagong partido. Gayunpaman, tumanggi ang mambabatas tukuyin ang siyam na iba pang lumayas sa Lakas-CMD.
“Ngayon may opportunity na magsama-sama kaming magkakaibigan so we took the opportunity para matupad na naming magkakaibigan na magkasama-sama,” ani Chua.
Sa ngayon, nasa 53 na ang mga kongresistang miyembro ng NUP.
Samantala, usap-usapan din sa Kamara ang paglundag ng iba pang Lakas-CMD members sa Nationalist People’s Coalition (NPC) at Partido Federal ng Pilipinas (PFP) bago sumapit ang Hulyo 2026.
