WALANG probisyong nakasaad sa 1987 Constitution na pwedeng maggawad ng “protective custody” ang senado, ayon kay dating Senate President Vicente Sotto III, kasabay ng panawagan pagsuko para kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa ilalim ng Senate Resolution 395, hinikayat ni Sotto at apat pang senador si Dela Rosa na magkusang-loob na sumuko na lamang para hindi malagay sa kompromiso ang senado.
Basehan ni Sotto ang kumpirmasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa inilabas na arrest warrant laban sa kapwa mambabatas na dawit sa crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Bukod kay Sotto, kabilang sa mga nag-akda ng resolusyon sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Panfilo Lacson, Risa Hontiveros at Bam Aquino.
Anang mga may-akda, hindi angkop gawing santuwaryo ang institusyon para makaiwas sa pag-aresto ang sinumang miyembro ng senado.
Gayunpaman, nilinaw ni Sotto na pwedeng bigyan ng limitadong pribilehiyo si Dela Rosa para sa mga kasong may karampatang parusang hindi hihigit sa anim na taon, alinsunod sa Article VI, Section 11 ng Konstitusyon.
“The Senate affirms its commitment to the Constitution, the rule of law, and the principle that accountability applies equally to all public officials regardless of rank or position,” saad sa dokumento.
