HAYAGANG hinamon ng isang mambabatas ang Department of Justice (DOJ) na sampolan ang mga bilyonaryong sa sangkot sa agricultural smuggling.

Sa pagdinig ng senado sa panukalang budget ng naturang departamento, inungkat ni Senador Francis Pangilinan na tumatayong chairman ng senate agriculture committee ang kampanya ng ahensya laban sa umano’y sumisira sa food security ng bansa.

Bukod sa DOJ kinalampag din ni Pangilinan ang National Bureau of Investigation (NBI) na tugisin ang mga tinaguriang “untouchable smugglers” sa bansa.

“I am challenging you, these people are untouchable up to this point. We are talking of billions of pesos worth of smuggled goods being brought to our country, whose quality is questionable, whose safety standards are obviously unclear.”

“These are untouchable people. Prove to us, show us that they are not untouchable. Pakita n’yo sa amin na itong mga bilyonaryong nag-iismuggle ng bilyon-bilyong halaga ng produktong agrikultura… patunayan n’yo sa amin, pakitang gilas kayo na hindi sila untouchable,” dugtong ng senador.

Para kay Pangilinan, higit na angkop protektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisdang lubhang apektado sa pagpupuslit ng mga produkto mula sa ibang bansa.

“Kawawa ang ating mga magsasaka, mga mangingisda, ang ating consumers na lahat ay nag dumadaing dahil hindi na natin ma-afford ang murang pagkain dahil hindi na makatanim ng maayos ang ating mga magsasaka dahil itong mga smuggled na mga produkto ang pumapasok sa atin,” ani Pangilinan.

“Nilalason tayo, winawasak ang ating food security,” aniya pa.

Samantala, tiniyak ni Justice Secretary Frederick Vida na walang sasantuhin ang departamento — bilyonaryo man o may impluwensya sa gobyerno.

“Isa lang po ang pinanghahawakan natin, rule of law. No one should be above the law.”

Sa datos na nakalap ni Pangilinan, lumalabas na siyam sa kada 10 kaso ng illegal smuggling ang ibinasura ng korte dahil sa pagtanggi ng Bureau of Customs magbigay ng kopya ng mga dokumentong karaniwang hinahanap sa husgado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *