INUPUKAN ng isang guro mula sa pampublikong paaralan ang Senado sa ginawang pagkanlong sa isa sa mga nasa likod ng madugong goyera kontra droga sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Sa isang petisyon, nanawagan ang public school teacher na si Barry Tayam sa Korte Suprema na suriin ang tinatawag na “constitutionality” ng Senate Resolution 44 na nagtakda ng “protective custody para kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Para kay Tayam, posibleng magdulot ng “constitutional crisis” ang naturang kapasyahan ng Senado kung hindi kikibo ang Korte Suprema.
Aniya, malinaw sa 1987 Constitution na maaari lamang magkaroon ng immunity sa pag-aresto si Dela Rosa kung ang kasong kinakaharap ay may parusang mas mababa sa anim na taon.
“However, kapag ikaw ang nakasuhan dito, ang hatol ay reclusion temporal hanggang reclusion perpetua, meaning 12 years hanggang 40 years. So, dapat hindi siya pinapayagan ng ating mga senador kasi magkakaroon tayo ng constitutional crisis,” aniya.
Hiniling din niya sa SC na pagbawalan si Dela Rosa na gamitin ang Senado bilang kanlungan para iwasan ang nakaambang pagdakip sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Kabilang rin sa kahilingan ni Tayam ang paglalabas ng Korte Suprema ng direktiba sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na isilbi kay Dela Rosa ang mandamiento de arresto, alinsunod sa batas.
Hamon pa ni Tayam kay Dela Rosa, harapin ang mga kaso — “Hindi po kayo masasabing inosente kung takbo kayo nang takbo o tago nang tago. Patunayan niyo po sa korte na wala kayong kasalanan. At the same time, di ba gusto mo nang makasama si Tatay Digong, eh di ito na ang pagkakataon mo, magkikita na kayo,” pagtatapos ng guro.
