LUBOS na apektado ng lotteng ng isang alyas Bong Zola sa lalawigan ng Rizal ang ganansyang ginagamit ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagtulong sa mga maralitang pamilyang Pilipino.
Dangan naman kasi, protektado ng mga politiko at maging ng mga kotong cops ang ilegal na operasyon ni Bong Zola sa 13 munisipalidad at isang lungsod sa nabanggit na lalawigan.
Ang resulta — barya na lang ang natitirang ingreso sa PCSO.
Sino ba naman kaso hindi masisilaw sa kalansing ng lingguhang payola mula sa damuhong si Bong Zola… hindi rin naman mahirap ang kondisyon — magpapanggap ka lang na bulag, pipi at bingi sa tuwing may sumbong at reklamo laban sa operasyon ng sindikato.
Pati ang EZ2 ng PCSO, apektado rin ng larong 2D ni Bong Zola.
Pero teka, hindi ba’t pinatigil na yan kamakailan lang? Sino ang umareglo para sa balik-operasyon? Magkano kaya ang hatag ni Bong Zola? Sino ang tumanggap ng ‘maleta?’
Para kanino nga ulit yung ‘maleta?’
Hay naku… bulag, pipi at bingi nga pala ang mga benepisyaryo ni Bong Zola.
Sa loob ng maraming taon, si Bong Zola ang naghari sa larangan ng ilegal na sugal sa lalawigan ng Rizal. Nagpasalin-salin na ang gobernador sa kapitolyo pero si Bong Zola hindi man lang natinag sa pwesto.
Sa pagkakataong ito, subukan natin manawagan sa ina ng lalawigan — Gov. Nina Ricci Ynares… baka naman pwede mo kami pakinggan.
Ayaw namin sa salot na sugal, lalo pa’t ilegal. Sana naman kami’y inyong pakinggan. Buwagin ang sindikatong gumagamit ng inyong pangalan sa iligal na litteng at 2D, palayasin sa Zola sa ating lalawigan.
Nananawagan din kami kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na pukawin ang tulog na diwa ng NBI – Anti-Gambling Task Force.
Gustuhin ko man tawagin ang pansin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), mukhang malabo dahil ayon sa ating impormante, malaki parating sa ‘tropang’ nakabase sa Rizal.
Kasama rin sa talaan ng benepisyaryo ni Bong Zola ang mga bida sa Rizal PNP, gayundin ang mga hepe sa 13 bayan at isang lungsod. Hindi rin papaiwan ang mga kapitan na naghahapit para sa nalalapit na halalan.
