NALAGAY sa balag ng alanganin ang prestihiyosong unibersidad bunsod ng umano’y paglabag sa umiiral na batas — partikular sa “recruitment” ng banyaga.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, masusing pinag-aaralan ng ahensya ang pagsasampa ng kaso laban sa Ateneo De Manila University dahil aniya sa illegal employment, isang probisyon sa ilalim ng Labor Code.
Bukod sa pagsasampa ng kaso laban sa Ateneo, pormal na hiniling ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Department of Justice (DOJ) na isailalim sa immigration lookout bulletin order (ILBO) si Ateneo Blue Eagles coach Tab Baldwin.
Sakali aniyang mapatunayan ang paglabag sa pagkuha kay Baldwin bilang head coach ng Ateneo men’s basketball team, posibleng maharap sa parusa ang pamunuan ng nasabing unibersidad.
Kabilang sa sinisilip ng DOLE ang kawalan umano ng valid work permit ni Baldwin at iba pang foreign employees.
Inatasan na rin ni Tolentino si Baldwin humarap sa ahensya sa Lunes para magprisinta ng valid alien employment permit.
Samantala, natanggap na ng DOJ ang hiling para sa ILBO laban sa banyagang Ateneo head coach.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, dalawang request ang natanggap ng departamento — isa mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mula kay Atty. Israelito Torreon na abogado ng pamilya ng pumanaw na atletang si Rene Baterbonia.
