AYAW ng administrasyon tuluyang malantad ang pagkakakilanlan ng iba pang sangkot sa flood control scandal, ayon kay Senador Rodante Marcoleta kasabay ng pag-amin sa umano’y napipintong paglabas ng arrest warrant laban sa kanya.
Ayon kay Marcoleta, posibleng siya na ang isusunod na ipadakip dahil bunsod ng umano’y pagtutok niya sa paglalantad ng mga nasa likod ng malawakang katiwalian sa likod ng mga flood control projects ng pamahalaan.
Aniya, may mga nakalap na impormasyon hinggil sa umano’y kasong inihahanda laban sa kanya.
“Hindi po natin alam, kung ngayon o bukas, sa makalawa, ay ihahain po sa akin ang warrant of arrest. Upang ako po ay arestuhin, upang hindi ko na maipagpatuloy ang aking gustong mangyari — na matukoy po natin ang may kagagawan ng lahat ng ito at mapanagot natin sila,” anang senador.
Gayunpaman, tiniyak ng senador na hindi siya matitinag sa pagsusulong ng imbestigasyon sa usapin ng flood control.
“Pero huwag po kayong mag-alala kahit ako po ay kanilang maaresto at maipakulong… hindi tayo titigil hangga’t hindi po natin natutukoy ang mga taong ito,” aniya.
