HINDI lahat ng mga gas stations nagpapatupad ng tapyas-presyo sa binebentang petrolyo sa merkado, ayon sa Manibela transport group.
Sa isang panayam sa radyo, kinastigo ni Manibela chairman Mar Valbuena ang ilang oil companies na hindi umano sumusunod sa halaga ng rollback na itinakda ng Department of Energy (DOE).
Panawagan ni Valbuena sa DOE, bantayan ang mga gas stations sa tuwing may napipintong rollback, kasabay ng giit na sampolan ang mga hindi kumikilala sa anunsyo ng kagawaran.
Sa pagtataya ng mga oil players, maglalaro sa P7.50 hanggang P9.50 ang bawas sa presyo ng kada litro ng krudo sa Martes. Maglalaro naman sa pagitan ng P4 hanggang P5 ang tapyas-presyo sa gasolina.
Batay sa datos ng DOE, nasa P83 kada litro ang presyo ng krudo, habang P78 naman ang kada litro ng gasolina sa Metro Manila.
