HINDI pa man ganap nagsisimula ang pagdinig ng senate impeachment court, kapansin-pansin ang kabi-kabilang paninira sa social media laban sa mga mambabatas sa likod ng House prosecution panel.
“Napapansin na natin yan… habang papalapit ang paglilitis, dumarami ang mga pagtatangkang siraan ang mga prosecutor, kuwestiyunin ang mga testigo, at guluhin ang proseso sa pamamagitan ng maling impormasyon at mga mapanlinlang na naratibo,” wika ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na tumatayong tagapagsalita ng lupon ng tagausig.
Suspetsa ni Alonto Adiong, gumagamit na ang kampo ni Vice President Sara Duterte ng maruming taktika laban sa House prosecution panel, gayundin sa mga testigo laban sa pangalawang pangulo.
“Kung minsan, parang mas interesado silang sirain ang mga taong naghaharap ng ebidensya kaysa sagutin ang mga ebidensya,” dugtong ng kongresista.
Ayon kay Alonto Adiong, hindi kayang takpan o sagutin man lang ng mga pag-atake sa mga testigo ang mga reklamong nakahain sa impeachment court.
“Ang pagsira sa kredibilidad ng mga testigo ay hindi awtomatikong nagpapawalang-bisa sa kanilang testimonya. Ang mahalaga pa rin ay kung ano ang mapapatunayan sa pamamagitan ng mga dokumento, ebidensya, at salaysay na ihaharap sa paglilitis,” dagdag niya.
Hinimok naman ni Alonto-Adiong ang publiko na maging mapanuri sa mga kumakalat ng maling impormasyon na naglalayong ilihis ang atensyon sa tunay na usapin — katiwalian sa pondo ng pamahalaan.
“May mga malinaw na pagtatangkang ilihis ang usapan mula sa mga tanong na dapat sagutin. Ngunit hindi dapat mawala sa pokus ng publiko ang pinakamahalagang bagay: ang katotohanan at ang ebidensyang ihaharap sa impeachment court.”
“Sa huli, hindi fake news ang magpapasya. Hindi social media trends. Hindi paninira sa mga prosecutor o testigo. Ang magpapasya ay ang mga katotohanang mapapatunayan sa ilalim ng wastong proseso,” pahabol ng kongresista.
