SA halip na mag-ingay at manira gamit ang social media, mas angkop na maglabas na lang ng mga testigo at ebidensya sa korte si Vice President Sara Duterte.
“Hindi ito palakasan ng sigaw sa social media. Hindi ito paramihan ng vlog. Hindi ito pataasan ng ihi. Ang impeachment trial ay tungkol sa ebidensya at mga testigong handang tumestigo sa ilalim ng panunumpa,” pahayag ni Deputy Speaker Paolo Ortega V.
Paglilinaw ni Ortega, walang epekto sa House prosecution panel ang mga tangkang maniobra ng depensa. Katunayan aniya, patuloy ang paghahanda ng lupon ng tagausig sa pagpiprisinta ng mga ebidensya at testimonya sa sandaling simulan ng Senate impeachment court ang paglilitis.
“We are preparing for trial, not for trending topics. We are preparing documents, witnesses, and evidence—not social media campaigns,” patutsada pa ni Ortega.
“Hanggang ngayon, wala pa kaming nakikitang malinaw na mga testigo o matitibay na ebidensyang inilatag ng depensa para mapawalang-sala si Vice President Sara Duterte sa mga akusasyong kinakaharap niya,” dagdaga niya.
“Marami kaming nakikitang ingay. Marami kaming nakikitang propaganda. Marami kaming nakikitang pagtatangka na ilihis ang usapan. Pero ang tanong ng taumbayan ay simple: Sino ang mga testigong magpapaliwanag? Nasaan ang mga dokumentong magpapabulaan sa mga alegasyon? Ano ang ebidensyang magpapatunay na walang nagawang mali ang Bise Presidente?”
