SADSAD man sa mga survey, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na pagtatrabaho ng administrasyon para sa kapakanan ng mga Pilipino — higit lalo sa nakaambang epekto ng El Niño phenomenon.
Sa pagbisita kamakailan sa Bohol para sa pasinaya ng P833.37 million Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project, ibinida ni Marcos ang pinalawig na paghahanda ng gobyerno sa matinding tagtuyot sanhi ng El Niño.
“Ayon sa ating datos, malaki ang posibilidad na makakaranas ang bansa ng matinding El Niño na maaaring tumagal hanggang sa susunod pa na taon, 2027,” wika ng Pangulo.
Kaya naman pinalawak aniya ng gobyerno ang small reservoir irrigation projects o SRIP at iba pang water-management initiatives upang matulungan ang mga magsasaka sa epekto ng tagtuyot sa mga pananim.
Mungkahi ni Marcos sa mga magsasaka sa mga lugar kung saan inaasahang makakaranas ng tagtuyot, magtanim ng mga high-commercial crops tulad ng pakwan, luya, ube, mani, at talong na hindi kinakailangan masyado ng tubig.
