HABANG abala ang pamahalaan sa usapin ng impeachment, puspusan ang isinasagawang aktibidad ng China sa Bajo de Masinloc na matatagpuan sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Sa isang kalatas, hinikayat ni former Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) na manatiling nakatuon sa pagbabantay sa karagatan.
Hindi rin aniya dapat maulit ang nangyari noong 1995 sa Mischief Reef (Panganiban Reef) na paspasang ginawang base militar ng China sa kasagsagan ng mga “political unrest” at “destabilization plots.”
Para kay Barbers, hindi mapagkakatiwalaan ang China na kilala sa pag-angkin ng hindi sa kanila.
Pagbabalik-tanaw ng dating kongresista sa nasabing panahon, naglagay ng stilt-based structures ang China sa bahurang pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas at traditional fishing ground ng mga mangingisdang Pinoy.
Palusot ng China — pahingahan o kublihan lang ng mga mangingisda ang istruktura sa tuwing may bagyo sa karagatan.
“But over decades, China dredged the Mischief Reef area to create a 154-acre artificial land – from stilt huts to a heavily-militarized fortress,” paglalahad ni Barbers.
“The reef is now fortified with naval ports, radar systems, military hangars and runways. It now serves as an advanced monitoring and operational military hub for China,” dugtong ng Mindanaoan lawmaker.
“Kung niloko nila (China government) ang mga Filipino at ang international community sa ginawa nila noong 1995 sa Mischief Reef – from fishermen’s shelter to military fortress,” malamang gamitin nila ang same playbook na ginawa nila sa Bajo de Masinloc,” ani Barbers.
Sa nakita aniyang floating structures sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) na inilagay ng Chinese Coast Guard, Navy at civilian militia boats, naniniwala si Barbers “underwater research and exploration” o tinatawag ding oceanography, marine science o oceanology activities ang pakay ng mga Tsino.
Nanindigan si Barbers na hindi dapat pakialaman ng China ang “triangular coral atoll” na may 124 nautical miles lang layo sa Zambales.
“Di dapat tayo magtiwala, baka pag pinabayaan natin ito o nalingat at napikit tayo, baka bigla na lang malaman natin na may oil rig o iba pang structures na naitayo na ng China duon (Bajo de Masinloc) tulad ng oil rig ng Malampaya sa Palawan,” ani Barbers.
“Therefore, our Coast Guard and Philippine Navy should not blink, be vigilant 24/7, and must not trust China’s suspicious naval activities in the vicinity of Bajo de Masinloc.”
